Pare-pareho lang naman kahit na sinong maupo. Ganun at ganun din ang mukha ng Pilipinas kahit ilang beses pang magpalit ng presidente, gabinete o opisyales. Mahirap pa rin…walang pag-asa. Marahil isa ka sa mga Pilipinong ganito mag-isip.
Marahil isa ka sa mga Pinoy na patuloy na naghihirap sa ilalim ng corrupt na gobyerno. O kaya’y Kabayan ka na nasa malayong bansa na at nageenjoy sa iyong comfort zone. O kaya naman ay kahit pano di ka sumasala sa pagkain 3 beses isang araw. Alinman dito, siguro nagsawa ka nang umasa na magbabago pa ang sistema ng pulitika at ekonomya sa bansa.
Maraming mga tao ang madalas sumuko sa sitwasyon kaysa maniwalang kaya niyang bumangon o magbangong-puri sa kabila ng mahabang panahon ng pagkakalugmok.
At tulad ng ating bayan, sa tingin mo’y parang napakahirap na niyang makabangon. At tulad ng dati, eleksyon na naman matapos ang anim na taon. Ilang araw na lang at malapit na ang eleksyon sa Pilipinas, samantalang nag-umpisa na ang Overseas Absentee Voting noong April 10 at matatapos din sa May 10.
At lahat ng kandidato sa pagka-Pangulo alam nating umaasang mananalo kahit alam nating lahat na isa lang ang maluluklok sa pwesto. At sinuman ang manalo, pare-parehong problema pa rin ang haharapin ng susunod na Pangulo.
Paano pag-iisahin ang bayan na nahati ng iba’t ibang faction o partido dulot ng halalan, malinis man o marumi?
Paano bibigyang katarungan ang mga biktima ng inhustisya? Ang mga magsasakang pinatay o napatay dahil sa pakikipaglaban sa pag-asang magkakaroon ng bahagi sa lupang sinasaka? Ang mga mamamahayag at maliliit na pulitiko na pinatay dahil sa buong tapang na paghahayag ng katotohanan sa publiko? Ilan lang sila sa mga pinagkaitan ng karampatang hustisya.
Paano papanagutin ang mga opisyal ng pamahalaan na nagpasasa sa kayamanan ng bayan?
Paano papanagutin ang mga nagpagamit o nakipagsabwatan para pagsamantalahan ang buwis na sana’y para sa kapakanan at pagpapaunlad ng pambansang kabuhayan? Saan sisimulan o paano gagawin ang paglaban sa korupsyon, sa itaas ba, sa ibaba o sa gitna ng pamunuan?
Paano iaangat ang kabuhayan ng milyun-milyong mahihirap mapa-syudad o prubinsya? Paano gagawa ng oportunidad para bigyang-trabaho o kakayahan sa pagnenegosyo ang nakararaming Pilipino?
Paano bibigyang-oportunidad sa bansa ang libu-libong nagtatapos sa kolehiyo taun-taon? Paano wawakasan ang human export, o pagpapadala ng OFW sa abroad para itawid ang paghihikahos ng mga pamilya at ng buong bayan ni Juan?
Paano sosolusyunan ang unti-unti ngunit lumalawak na pagkawasak ng pamilyang Pilipino dahil sa pag-alis ng mga magulang lalo na ng mga ina para magtrabaho sa ibang bansa? Paano bubuwagin ang mga sindikato ng krimen, droga at kung anu-ano pa na sumisira sa ating lipunan?
Paano itatawid ang pag-asa ng taumbayan na pinangakuan ng magagandang plataporma? Paano isasagawa ang mga pangako ng pag-unlad at pagbabago?
Higit sa lahat, paano mapagbabago ang isip ng mga ayaw makiisa o pasakop sa panibagong pamahalaan, mapa-kanan o mapa-kaliwa, kapwa lider ng bansa o remnant ng nakaraang administrasyon? Paano bibigyang tuldok ang siraan at kawalan ng kumpyansa ng bawat kampo, na siyang sagabal sa pagbangon ng bayan? Paano bubuhayin ang tiwala ng taumbayan, na lagi na lang talo sa pagitan ng mga nag-uumpugang interes ng mga pulitiko at mayayamang negosyante sa loob at labas ng bansa?
Ilan lang ang mga ito sa mga tanong na sasagutin sa loob ng anim na taong darating ng bagong Pangulo. Kung paano, hindi natin alam. Ngunit ang resulta ng ating pagpili at pagboto, tiyak na may pananagutan dito.
Hanggang saan pa ba ang kayang tiisin ng mga Pilipino? Kung ang anim na taong darating ay tulad din lang o mas malala pa sa mga nakaraan, hindi ko alam kung saan patungo ang ating bayan… Hindi ko alam kung kaya pa rin nating sabihing “Tuloy ang buhay.”
Pero bakit hahayaan nating ganito uli kung ang kasaysayan ay kaya nating baguhin sa pamamagitan ng pagbabalik ng ating tiwala sa ating sagradong boto?
Ang demokrasya na yata ang pinakamainam na paraan ng pamamahala upang ihayag ang sentimyento at desisyon ng nakararami.
Ganunpaman, may kahinaan ang demokrasya. Hindi ito mabisa para sa mga lider na nailuklok ngunit walang tunay na pagbabago sa puso at isip. At sa halip, nagiging kasangkapan niya pa ito para pagbigyan ang personal na interes at interes ng mga tumulong na siya’y iluklok sa pwesto. Democracy does not work for leaders who are beholden to various interest groups, leaders who self-destruct in the process.
Kung ganito, wala na nga bang pag-asa? Meron pa… Kung magluluklok tayo ng bagong Pangulo na mayroong binagong puso at isip. Lagi nating sinasabing piliin natin ang lesser evil. Masa madali sanang gawin yun kung walang good man sa mga pinagpipilian ngayon.
Ganunpaman hindi madali ang kumbinsihin kayo dahil may mga ilang kapanalig siya na hindi naniniwalang ang gaya niya ay may puwang sa pulitika. They did not choose him primarily because he is a man of the church, of God… I wonder how and why in the world a good man should not join the rat-race of politics where people are cornered by its greed and corruption and are left helpless and hapless for the past generations.
Sa eleksyong ito, mayroon tayong kapangyarihang pumili, minsan pa. At laging tandaan, may mga desisyong kapag nagawa na, wala nang bawian…Huwag sana tayong mapabilang sa mga taong ayaw makinig sa sigaw ng puso…ng konsensya…mga tao na laging nadadala ng udyok ng panloloko, ng popularidad, ng bandwagon, ng mga survey firms na madalas kumita ng malaki tuwing eleksyon, ng mga shady advertisements, character assassination tricks at kung anu-ano pa para lang hindi natin makita na may mas mabuting mapipili pa.
At sa halalang ito, nakapili na ako. Nakaboto na ako bilang absentee voter dito sa Abu Dhabi , United Arab Emirates .
Pinili ko ang sa tingin ko ay puspos ng makalangit na karunungan at busilak na malasakit at habag para sa mga maliliit – mga katangiang taglay ng taong may binagong puso at isip. Walang pag-aalinlangan kong ibinoto ang sa tingin ko’y pinakatapat sa hangaring maglingkod sa Bayan, siya na may buong pagkatakot sa Diyos ngunit hindi takot harapin ang problema ng korupsyon. Pinili ko ang kandidatong naniwalang babangon ang Pilipinas, dahil naniniwala siya sa ating mga Pilipino na kaya nating magbago at bumangon.
We need a leader who can infuse hope, breed trust and manifest genuine love and concern for the masses, someone whose love for God is not a show-off, someone whose love for his one and only country is doubtless.
One last thing: We are living in a borrowed time. History will judge whether we were able to redeem our pride as a people with sincere patriotism and reverence for the Almighty, or we were proved to be driven by greed and apathy, hopeless and doomed to fail as a country and people. Kailan ka ba magpapasya? Hindi ba pwedeng “EDDIE ngayon na?”
Saturday, May 1, 2010
Subscribe to:
Posts (Atom)
